MANDATORY CLINIC FOR PUBLIC SCHOOLS – SEN. PACQUIAO
SA LAYUNING matiyak na mababantayan ang kalusugan ng mga estudyante, nais isabatas ni Senador Manny Pacquiao ang pag-oobliga sa bawat pampublikong paaralan na magtayo ng permanenteng klinika.
Sa kanyang Senate Bill 1348 o ang proposed Mandatory School Clinic Act of 2020, iginiit ni Pacquiao na dapat palakasin ng gobyerno ang kanilang mga hakbangin para sa pagbibigay proteksiyon sa kabataan na tinawag niyang ‘frontliners of the next generation’.
“Educational institutions should take part in healthcare development by improving school health and providing adequate health services in all public schools,” pahayag ni Pacquiao sa kanyang explanatory note.
Ipinaalala rin ng senador na alinsunod sa Konstitusyon, mandato ng estado na tiyaking makakakuha ang publiko ng tamang health services.
Nakasaad sa panukala na regular na magsasagawa ng on-the-spot inspections at monitoring sa mga pampublikong paaralan ang provincial o city officer ng Department of Education at Department of Health.
Layon nito na matiyak na sumusunod ang mga paaralan sa pagkakaroon ng permanenteng klinika na may sapat na kagamitan para sa promosyon ng magandang kalusugan.