MANDALUYONG LGU NAMAHAGI NG 10K TABLETS, 70 LED TV SETS
PINANGUNAHAN ni Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos ang pag-turn over sa 10,000 tablets sa Schools Division Office na ipamamahagi sa incoming Grade 4 at transferee students sa mga pampublikong paaralan sa lungsod, gayundin sa ALS learners para sa School Year 2021-2022.
Ang seremonya ay ginanap sa Addition Hills Integrated School.
Bukod dito ay nagbigay rin ang pamahalaang lungsod ng 70 units ng 70-inch television sets na ipagkakaloob sa lahat ng pampublikong paaralan sa lungsod para magamit sa online classes.
Ang mga ito ay tinanggap ng mga opisyal ng Schools Division Office na pinamumunuan ni Officer-in-Charge Dr. Romela Cruz, CESE.
Ayon kay Abalos, kailangang ipagpatuloy ang pagsasagawa ng online classes dahil sa pandemya at bahagyang tumaas ang mga kaso ng Covid19 sa lungsod dahil sa Delta variant.
“Ang pagbigay ng tamang kagamitan ay kabilang sa programa ng pamahalaang lungsod upang maitaas ang antas ng online learning ng ating mga mag-aaral at mga guro. Gamitin natin ang makabagong teknolohiya at mahusay na sistema upang mas maging kapana-panabik ang pag-aaral at pagkatuto ng ating mga anak.”
Hinikayat din ni Mayor Abalos ang mga guro at mga magulang na magpabakuna bilang karagdagang panlaban sa Covid19.