MALALIMANG KAALAMAN SA PANDEMICS IPINASASAMA SA HEALTH SUBJECTS
ISINUSULONG ng isang kongresista sa Kamara ang panukala na maisama sa health subjects sa primary at secondary schools ang mga kaalaman hinggil sa pandemics, plagues at iba pang public health crises.
Sa paghahain ng House Bill 7758, sinabi ni Ilocos Sur 1st District Rep. Deogracias Victor Savellano na hindi lamang sa kalusugan nakaaapekto ang mga public health crises kung hindi maging sa ekonomiya, social being at sa pangunahing serbisyo sa tao na nagiging dahilan din ng pagbagsak ng estado.
Ipinaalala ni Savellano na tatlong influenza pandemics na ang dumaan sa mundo na ikinasawi ng milyon-milyong katao na kinabibilangan ng Spanish flu na pumatay ng 50 milyon, Asian Flu na ikinasawi ng dalawang milyon at ang Hong Kong Flu na kumitil ng isang milyong katao.
Binigyang-diin ng kongresista na matindi na ang naging epekto sa ekonomiya ng Covid19 pandemic, hindi lamang sa Filipinas kung hindi maging sa iba pang bansa.
“Pandemic planning can enable countries to be prepared to recognize and manage an influenza or any kind of wide spread affliction for that matter. Planning can help us reduce transmission of the disease, to decrease cases as well as hospitalization and deaths, to maintain essential services and to reduce the economic and social impact of pandemic,” pahayag ni Savellano sa kanyang explanatory note.
Idinagdag pa ng mambabatas na mismong ang United Nation Children’s Fund ay nagrekomenda na isama na ang Covid19 sa pagtuturo, partikular na ang may kinalaman sa pag-iwas at pagkontrol sa pagkalat ng virus.
Minamandato sa House Bill 7758 ang pakikipag-ugnayan ng DepEd sa Department of Health at National Disaster and Risk Reduction Management Council para sa pagtuturo ng pandemics, plagues at iba pang public health crises.
Sa panukala, isasama ang usapin sa health subjects sa primary at secondary schools at hindi kinakailangan ng hiwalay pang asignatura.