Nation

MALAKING BILANG NG ‘DI NAG-ENROLL GALING SA PRIVATE SCHOOLS — DEPED

/ 8 October 2020

BINIGYANG-DIIN ng Department of Education na bumaba ang enrollment ngayong taon dahil marami ang nawalan ng trabaho dulot ng Covid19 pandemic.

Bagama’t idineklara ni Education Secretary Leonor Briones na matagumpay ang pagbubukas ng klase ngayong taon,  sinabi niya na mananatiling hamon para sa kanila ang mga mag-aaral na hindi nakapag-enroll dahil sa problema sa pera.

Ayon kay Briones, malaking bilang ng mga mag-aaral na hindi nakapag-enroll ay mula sa private schools at alternative learning system. Karamihan umano sa mga out-of-school youth at ibang ALS learmers ay hindi nagpatuloy ng pag-aaral para magtrabaho muna at matulungan ang kanilang pamilya.

“Ang challenge at kami naman ay hindi natin ito itinatago, ni-report natin ito weekly. Nag-umpisa tayo ng less than 20 percent lang sa private sector ang nag-enroll last June, eh ngayon ay umabot na ng 50 percent. Ito ay ang remaining challenge natin at alam natin na ito ay konektado sa nangyayari sa ekonomiya,” pahayag ni Briones sa isang virtual press briefing.

“So, may relasyon din sa pagkawala ng trabaho ang mga workers, hindi na sila nakaka-enroll dahil busy sila sa paghahanapbuhay. Kaya ito iyong remaining challenge sa atin,” dagdag pa ng kalihim.

Paliwanag ni Briones na may existing policy ang kanyang ahensiya bago pa man ang pandemya na sakaling maka-fulfill ng 80 percent sa mga requirement ang isang mag-aaral ay tatanggapin pa rin siya.

Sinabi niya na ang bilang ng mga nag-enroll ngayong taon ay mas mataas pa sa orihinal nilang target na 22.2 million.

“Ang ating enrollees ngayon ay 24,756,286, so nag-exceed tayo sa ating target na inaprubahan ng NEDA [National Economic and Development Authority] for enrollment this year,” wika ni Briones.

“Sa public schools naman ay more than 99 percent ng numbers natin last year ay ating nakamit,” dagdag pa niya.

Sinabi pa ng kalihim na tatanggap pa sila ng mga late enrolleea hanggang Nobyembre 21.

“So, ang enrollment natin puwede up to November pero ang sinasabi namin, huwag silang maghintay hanggang November, itong mga natitira na hindi pa nakapag-enroll.”