Nation

MAKATI STUDES NANGUNA SA TOFAS

Pinuri mga estudyante sa mataas na score sa math test ng DEPED

/ 18 March 2023

PINURI ni Makati City Mayor Abigail Binay ang mga mag-aaral ng mga pampublikong paaralan sa lungsod mula Grades 3 hanggang 10 dahil sa kanilang ipinamalas sa regional Test of Functional Academic Skills na pinasimulan ng Department of Education.

Nakuha ng mga mag-aaral ng Makati ang pinakamataas na passing rate sa Mathematics sa lahat ng antas, kung saan nanguna ang lungsod sa 16 na Schools Division Office sa Metro Manila.

“Congratulations to our Proud Makatizen students for this latest achievement! Once again, you have proven that the city is on track in promoting academic excellence through substantial investments in programs aimed to continually raise the quality of our public education system,” pahayag ni Binay.

Ang TOFAS ay isang free global online testing system na idinisenyo upang ipakita ang kakayahan at kahinaan ng mga mag-aaral, na makatutulong sa mga guro sa pagtukoy ng mga puwang at pagpaplano ng mga kinakailangang interbensiyon.

Ayon sa SDO Makati, may kabuuang 41,546 estudyante ng lungsod mula Grades 3 hanggang 10 ang kumuha ng online test.

Samantala, sinabi ng alkalde na ang pamahalaang lungsod ay naglaan ng mahigit P1 bilyon para sa Project FREE (Free Relevant and Excellent Education) at Students’ Competency Enrichment Program sa ilalim ng SDO Makati mula sa Special Education Fund ngayong taon.

Naglaan din ang lungsod ng mahigit P140.7 milyon mula sa General Fund sa mga programang ipinatupad ng City Education Department, kabilang ang college scholarship program ng lungsod, high school scholarship program, insentibo para sa outstanding students at school year completers, at Special Education Program.

Nagpasalamat din si Binay sa mga guro dahil sa dedikasyon ng mga ito na maturuan ang kanilang mga estudyante.