Nation

MAKABAGONG FILIPINONG PAGBATI PINAG-AARALAN NG HOUSE BASIC EDUCATION COMMITTEE

/ 2 September 2020

PINAG-AARALAN na ng House Committee on Basic Education, Culture and Arts ang panukala para sa pagpapatupad ng bagong paraan sa pagbati ng mga Pinoy sa gitna na rin ng Covid19 pandemic.

Inihain ni Marikina City 1st District Rep. Bayani Fernando ang House Bill 7333 o ang proposed Bating Filipino Act.

Alinsunod sa panukala ni Fernando, magkakaroon na ng bagong pamamamaraan sa pagbati, pagpapakita ng respeto at papuri sa halip na ang nakasanayang ‘shakehands’ o pakikipagkamay.

Sa panukala, ang bagong Bating Fiipino ay ang paglalagay ng kanang palad o kamay sa gitna ng dibdib na sasabayan nang bahagyang pagyuko nang nakapikit o pagtingin sa ibaba na susundan ng magandang ngiti.

Ipinaliwanag ng kongresista na dahil sa pandemiya at maging sa iba pang karamdaman ay dapat nang iwasan ang pakikipakamay upang maiwasan ang pagkalat ng sakit.

Inihain ni Fernando ang kahalintulad na panukala nooong Hulyo 2019 subalit sa kanyang paniniwala ay mas mabibigyan ito ngayon ng prayoridad.

Batay din sa panukala, ang Department of Health, Department of Education, Philippine Information Agency at Presidential Communications Operations Office ang mangunguna sa promosyon ng Bating Filipino.