Nation

MAHIGIT P1.6-B AYUDA IPINAMAHAGI NG DSWD SA 676,992 MAHIHIRAP NA ESTUDYANTE

10 December 2022

MAHIGIT sa P1.6 billion na educational assistance ang ipinamahagi ng Department of Social Welfare and Development sa mahigit 600,000 mahihirap na estudyante sa buong bansa sa six-week program ng ahensiya.

Ayon kay DSWD Secretary Erwin Tulfo, may kabuuang 676,922 benepisyaryo ang nakatanggap ng ayuda kung saan nasa P1,652,607,000 ang kabuuang halaga na ipinamahagi.

Layon ng programa na nakapaloob sa Assistance for Individual in Crisis Situation ng DSWD na tulungan ang mahihirap na estudyante sa kanilang mga pangangailangan sa eskuwelahan.

Nagsimula ang distribusyon ng cash aid noong Agosto 20 at nagtapos noong Setyembre 24.

Sinabi ng DSWD na karamihan sa mga benepisyaryo ay elementary students (31.9%), na sinundan ng college/vocational (31%), high school (22.9%), at senior high school (14.2%).

Ang mga mahihirap na estudyante sa elementarya ay binigyan ng P1,000; sa high school ay P2,000; Senior High School, P3,000 at sa mga nasa kolehiyo o vocational school ay P4,000.