Nation

MAHABANG DISTANCE LEARNING ‘DI NA KAYA NG MGA ESTUDYANTE — KABATAAN PARTYLIST

/ 17 April 2021

NANINDIGAN ang Kabataan Partylist na hindi na kakayanin pa ng mga estudyante ang mahabang distance learning dulot ng Covid19 pandemic.

Dahil dito, pinakikilos ng grupo sina Pangulong Rodrigo Duterte at Commission on Higher Education Chair Prosper de Vera at pinabubuo ng konkretong plano para mabuksan muli ang mga paaralan at matiyak ang ligtas na pagbabalik-eskwela ng mga estudyante, guro at iba pang sektor.

“Akala ng pamahalaan, pagkatapos ng isang taong implementasyon ng distance learning ay kaya nang mag-adjust ng mga estudyante, kanilang mga magulang, at mga guro pero lalo lamang lumalala ang sitwasyon. Lalong sumasahol ang kalagayan ng mental health ng mga estudyante, pati mga guro na inaasahan pa ring mag-overtime para gumawa, mag-photocopy at maghatid ng modules sa mga mag-aaral,” pahayag ni Kabataan Partylist National Spokesperson Raoul Manuel.

Batay sa impormasyon ng Kabataan Partylist, maraming estudyante ang nag-drop out o nag-leave of absence kahit nag-enroll at nagbayad ng mataas na matrikula at iba pang mga bayarin dahil hindi makayanan ang sistema sa pag-aaral.

Ang iba naman ay tumulong sa kanilang mga pamilya at naghanap ng dagdag na pagkakakitaan.

“Habang napilitang mag-leave of absence ng mga estudyante, sina Duterte at De Vera naman ay naka-absent without leave, hindi mahagilap, hindi mahanap,” sabi ni Manuel.

“Kaugnay nito, dapat ay managot ang pamahalaan dahil sa pagpapabaya sa mga nawalan ng kabuhayan at trabaho, palpak na tugon sa pandemya, at pagbabalahura sa karapatang pantao ng mga mamamayang Filipino,” dagdag pa ni Manuel.