Nation

MAGNA CARTA FOR PUBLIC SCHOOL TEACHERS TIYAKING MAPOPONDOHAN — SENATOR

/ 29 September 2020

PINATITIYAK ni Senadora Risa Hontiveros sa Department of Education na mapopondohan ang implementasyon ng Magna Carta for Public School Teachers na naglalayong mapangalagaan ang kapakanan ng mga guro.

“Napakabigat ng responsibilidad ng mga public school teacher sa new modes of learning. Dapat may nakalaang budget ang gobyerno para mapagaan ito,” pahayag ni Hontiveros.

Ipinaalala ni Hontiveros na sa panahong nahaharap ang bansa sa laban kontra Covid19 at pinaiiral ang modular learning, higit na kailangang tiyakin ang implementasyon ng RA 4670 o ang Magna Carta for Public School Teachers,  partikular sa medical benefits at hazard pay.

“Umaaray ang ating mga guro. Kulang na kulang ang suporta lalo na yaong mga naka-assign sa mga pinakamahihirap na munisipyo na walang kakayahan ang LGU at mga pribadong indibwal na sagutin ang kanilang pangangailangan,” sabi pa ng senadora.

Batay sa datos ng DepEd, mahigit kalahati ng basic education students o may 13 milyong estudyante ang mas nais ang modular learning modality na nangangahulugang mas maraming guro ang nahaharap sa panganib ng virus dahil obligado silang mamahagi at mangolekta ng self-learning modules.

“Teachers are frontliners as well. Sino ang sasagot kapag nagkasakit sila habang nasa field, while distributing or retrieving modules? Kailangan nila ng proteksiyon. Dapat siguraduhin nating may sapat na budget para sa medical treatment at pagpapaospital sakaling magkasakit sila in the line of duty,” paalala niya.

Nakiisa rin ang senadora sa panawagan na badyet para sa kinakailangang equipment at iba pang materyales ng mga guro sa distance teaching at learning tulad ng internet allowance.

“Ibigay natin sa mga guro ang suportang kailangan nila lalo’t itinataya nila ang buhay para siguraduhing may maayos na edukasyon ang mga anak natin. Huwag natin silang tipirin dahil labis-labis ang kontribusyon nila sa pagpapanday ng kinabukasan ng ating bansa,” diin ng mambabatas.