Nation

IN PHOTOS: MAGKAKAPATID TIGIL-ESKWELA DAHIL SA TIGIL-PASADA NG AMA

/ 16 August 2020

HIGIT  limang buwan nang tigil-pasada si Ferdinand Caligayan, jeepney driver sa ruta ng Cubao-Rosario.

Naging malaking balakid ang community quarantine na ipinatupad ng gobyerno simula noong Marso. Dati, nag-uuwi siya ng P700 kada araw sa maghapong pasada.

Napilitan siyang manlimos at mangalakal bilang alternatibong paraan upang mairaos ang kanyang pamilya.

“Masaya na ako kapag may P150 maiuuwi sa panlilimos. Buti nga nakakahingi ako sa mga dumadaan sa highway. Kaya kahit nakakahiya, wala nang hiya-hiya. Kawawa ang mga anak ko,” kuwento niya.

Apat ang anak ni Ferdinand. Lahat sila ay hindi makakapag-aral sa darating na pasukan. Isa rito ang incoming grade 11 student na si Jhun.

Kuwento ni Jhun, hindi pa rin siya nakakapag-enroll dahil mas kailangan ng kanyang pamilya ang pera para sa pagkain at sa pang-araw-araw na gastusin.

Nangangamba rin si Jhun na hindi siya makakasabay sa blended learning dahil naibenta na nila ang ilang mga kagamitan sa bahay tulad ng TV, radio, at cellphone.

“Manghihiram na lang po siguro kami ng gadget at uutang ng pampa-load. Kung magkapera po kami hindi rin prayoridad ang pagbili ng gadgets kasi mas uunahin namin ang gastusin sa bahay.”

Ikinalulungkot ng kanilang pamilya na hindi makakapag-aral ang magkakapatid sa darating na Oktubre.

Hiling ni Jhun, “Kung matutuloy man ang pasukan, sana ay matulungan lahat ng mga mahihirap na kagaya namin para makasabay kami. Kung hindi naman, sana ay magkaroon ng academic freeze.”