MAGKAKAIBANG DISKARTE NG CHED, TESDA AT DEPED SA NEW NORMAL PINABUBUSISI SA SENADO
NAIS ni Senador Joel Villanueva na magsagawa ang Senado ng hearing upang alamin ang mga plano at hakbangin ng education sector sa pagpapatupad ng synchronized approach sa new normal sa gitna ng Covid19 pandemic.
Sa kanyang Senate Resolution 492, ipinaalala ni Villanueva na binuo ang Congressional Committee on Education upang matutukan ang Department of Education, Technical Education and Skils Development Authority at Commission on Higher Education.
Layun nito na mabigyang pokus ang mga programa, sistema at direksiyon patungo sa epektibo at dekalidad na edukasyon.
Nakasaad sa resolusyon na bagama’t may kanya-kanyang target ang bawat tanggapan, kailangan pa ring magkaroon ng malawakang koordinasyon sa bawat isa ang DepEd, TESDA at CHED para sa ‘harmonized approach’ sa pagpaplano sa edukasyon.
“Natural and man-made calamities, such as typhoons and floods, earthquakes, volcanic eruptions and most recently, a public health emergency caused by the novel coronavirus highlighted the long-overdue need for coordination or synchronization in our education sector,” pahayag ni Villanueva.
Sinabi ni Villanueva sa kanyang resolution na sa pagputok ng pandemya, bumalangkas na ang tatlong ahensiya ng kani-kanilang mga istratehiya para sa kanilang traditional programs.
“Isolation and quarantine created an arena for confusion and anxiety over the proposed adapta-tion in new normal,” dagdag ng senador.
Isa sa inihalimbawa nito ang paglipat mula sa traditional face-to-face learning patungong online learning o sa flexible learning at sa tinatawag pang distance learning, blended learning at modular learning.
Binigyang-diin ng senador na dahil sa hindi magkakaugnay na pamamaraan at magkakaibang polisiya ng tatlong ahensiya, maraming mga mag-aaral at mga magulang, gayundin ang mga guro, ang nalito.