Nation

MAGKAKAIBANG ADHIKAIN PINAGBUKLOD NG MISYON PARA SA EDUKASYON: MGA KA-TAMBAY SA LIKOD NG THE POST

ANG MISYONG makatulong sa pagsusulong ng dekalidad na edukasyon ang nagbuklod sa may 30 indibidwal na nasa likod ng The Philippine Online Student Tambayan o The POST.

/ 27 July 2021

1st Anniversary Special Report

ANG MISYONG makatulong sa pagsusulong ng dekalidad na edukasyon ang nagbuklod sa may 30 indibidwal na nasa likod ng The Philippine Online Student Tambayan o The POST.

Mula sa kabataan at millennials hanggang sa mga indibidwal na pinanday na ng karanasan at panahon ang nagtutulungan sa pagpapayabong ng mga adhikain ng The POST.

Sa paggabay ng mga lider ng ating tambayan na sina Sir Rey Briones at Sir Eros Atalia na kapwa beterano na sa larangan ng pamamahayag ay nabuo ang isang pamilya.

Sila ang mga tumatayong ama na sa tuwina ay nagpapaalala na dito sa The POST ay hindi dapat lumipas ang init ng dedikasyon, hindi lamang sa trabaho kundi sa adhikaing palawakin ang boses ng sektor ng edukasyon.

Hindi rin naman tuluyang aalagwa ang The POST kung wala ang kumpas para sa tamang direksiyon nina Atty. Karen Briones at Atty. Renfred Tan na kapwa tumitiyak na sumusunod sa mga tamang polisiya at regulasyon ang bawat miyembro ng pamilya.

NEWS TEAM

Matitinik. Masisipag. May puso sa trabaho. Iyan ang mga bumubuo sa News Team, sa pangunguna ni Chief of Reporters Vergel Labesig, na nagsisilbing timon sa pang-araw-araw na coverages at tumitiyak sa maayos na daloy ng komunikasyon upang hindi magsala-salabat ang mga istoryang ihahatid sa aming mga tagasubaybay.

Kasama sa team ang mga mula mismo sa academe na sina Prof. John Carlo Santos at Prof. Mel Matthew Doctor. Nariyan din sina Daniel Asido, Liezelle Soriano-Roy, Kenneth Hernandez, Nice Celario at ang inyong lingkod, Dang Samson-Garcia.

Sa araw-araw na pangangalap ng mga balita para sa ating mga ka-tambay, hindi nawawala ang suportahan at tulungan ng bawat isa upang makabuo ng mas makabuluhang artikulo.

Ika nga ni Celario, “Nakaka-refresh na kasama ang mga bagets dahil nakakahawa ang sipag nila. Though very challenging kasi limited ang topic academe only, nasanay na rin.”

KICKOFF, THE FEED, OPINION

Tulad ng ibang websites, hindi makukumpleto ang The POST kung wala ang ibang seksiyon tulad ng KickOff, ang sports section ng website, The Feed, ang lifestyle section ng The POST, at Opinion section kung saan maririnig ang boses ng mga estudyante mula sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas.

SOCMED, ADMIN, MARKETING

Upang mas maging malawak ang maabot ay nakikipagsabayan din ang The POST sa paghataw sa social media platforms.

Lagi namang nakasuporta ang admin, na kinabibilangan nina Ayessa Diane Pedro at Divine Grace Espina, sa pangangailangan ng bawat isa, lalo na sa coverage ng News Team.

Pinamumunuan naman ni Minaluz Satorre ang Marketing na walang pagod sa paghahanap ng mga katuwang ng The POST sa pagsusulong sa mga adhikain nito.

Bagama’t iniluwal ang The POST sa panahon ng Covid19 pandemic ay hindi ito lumihis sa tunay nitong layunin — ang maghatid ng mga sariwa, nagbabaga, makatotohanan at makabuluhang balita at impormasyon sa ating mga ka-tambay. Matapang nitong sinuong ang hamon ng pandemya makapagbigay lamang ng serbisyo sa mga mag-aaral at gurong Pilipino.

“Kapag sinabi mo na The POST, naka-focus lamang ito sa patungkol sa edukasyon which is eto ‘yung wala noong mga panahong estudyante pa lamang ako. Siguro kung nabuo ito noong estudyante pa lamang ako ay gugustuhin ko rin na maging isang student contributor dahil mahilig ako noon gumawa ng mga tula na isa sa mga tinatanggap ng The POST,” kuwento ni Ayessa.

NAKAISANG TAON na kami, at walang ibang hangad ang buong team kundi ang patuloy na maisulong ang mga adbokasiya nito, at paghusayin pa ang pagtulong  at pagbibigay ng inspirasyon sa ating mga ka-tambay — may pandemya man o wala — para maabot nila ang kanilang mga pangarap sa buhay.

“I think as the website continues its advocacy, mas marami pang matutulungan at ma-iinspire na youth, students, teachers and parents,” pahayag ng news correspondent na si Liezelle.

“As long as the education sector is here, The POST will keep making news related to it for the students/teachers to see,” pagtitiyak naman ni Divine.