MABABANG PASSING RATE SA CIVIL SERVICE EXAMS BUBUSISIIN SA SENADO
NAIS ni Senador Ramon ‘Bong’ Revilla Jr. na magsagawa ang Senado ng ‘investigation in aid of legislation’ sa mababang passing rate sa Career Service Professional and Subprofessional Examinations sa Civil Service Commission.
Sa kanyang Senate Resolution 562, iginiit ni Revilla na bagama’t 80 percent ang passing grade sa mga pagsusulit, nasa 10-12 percent lamang ng mga examinee ang pumapasa sa CSE.
“This passing rate is lower than that of the other eligibility exams, and even those of board and bar exams,” pahayag ni Revilla sa kanyang resolution.
Inihalimbawa ng senador ang passing rate para sa Professional eligibility exams noong 2018 na naitala sa 12.15 percent habang ang Sub-Professional level ay umabot lamang sa 11.35 percent.
Ipinaliwanag ng senador na mababa ito kumpara sa iba pang licensure examinations na isinagawa noong 2018.
Idinagdag pa ni Revilla na kabilang sa mga bumagsak sa pagsusulit ay mga kasalukuyan nang nagtatrabaho sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno na nasa ilalim ng job order employment.
Ito ay kahit ilang beses nang kumuha ng pagsusulit ang mga examinee at umaasang makakapasa.
“There are also observations that the questions in the exams are irrelevant to the position they are applying for,”diin pa ni Revilla sa resolution.
Binigyang-diin ni Revilla na dapat matukoy ang iba pang dahilan ng mababang passing rate para makapagpatupad ng mga reporma.