Nation

MAAYOS NA SUPORTA SA MGA GURO SUSI SA DEKALIDAD NA EDUKASYON — SOLON

/ 23 August 2021

HINDI na nakagugulat para kay ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang resulta ng pag-aaral ng Department of Science and Technology na aminado ang mga guro na maraming mga estudyante ang nangangailangan ng ‘remediation’.

Sinabi ni Castro na mababaw ang pagkatuto ng mga estudyante dahil may problema sa learning continuity program ng Department of Education.

“With these factors, there is no doubt that we are experiencing a worsening education crisis in the country,” pahayag ni Castro.

Muling iginiit ng kongresista ang kakulangan ng maayos na suporta ng pamahalaan sa mga guro kaya bumabagsak ang kalidad ng edukasyon sa gitna ng krisis.

“Kulang na nga ang suporta na ibinibigay ng gobyerno sa ating mga guro, binabarat pa sila sa suweldo habang napag-iwanan na sila ng mga pulis at militar,” Castro stated.

Ipinaliwanag ng mambabatas na ang entry level salary ng public school teachers ay nananatili sa salary grade 11 o P23,877 na malayo sa hiling nilang Salary Grade 15 o P33,575.

“Napakaliit na nga ng suweldo ng mga guro, mula pa sa sariling bulsa ang ginagamit na panggastos para sa mga gamit panturo lalo ngayong panahon ng blended distance learning,” giit ni Castro.

Ipinaalala ni Castro na ang investment sa mga guro sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng maayos na suweldo at tamang mga responsibildiad ang susi para sa dekalidad na edukasyon.