Nation

MAAYOS NA IMPLEMENTASYON NG RH LAW VS TEENAGE PREGNANCY ISINUSULONG

/ 1 March 2021

NANINIWALA si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III na kailangan ang maayos na pagpapatupad ng Republic Act 10354 o ang Reproductive Heath and Responsible Parenthood upang labanan ang tumataas na kaso ng teenage pregnancy.

Sinabi ni Sotto na sapat ang lahat ng mga probisyon sa ipinasa nilang batas sa gitna ng kanilang mahabang debate at ang kailangan ay ang full implementation.

“Implementasyon ang problema… baka kulang sa implementasyon o tinamaan pa ng pandemic,” pahayag ni Sotto.

“Ako wala akong nakikitang tagilid sa batas. Inalis natin ang possible entry ng abortion. Inalis natin ang population control. Inalis natin ang pag-angkat ng abortifacients,” diin pa ni Sotto.

Sa paniniwala pa ng senador, kailangan ng malawakang information dessimination upang matiyak ang pagtatagumpay ng batas.

Una na ring nanawagan ang Philippine Legislators’ Committee on Population and Development para sa full implementation ng batas kasunod ng ulat ng Commission on Population na halos pitong batang nasa edad 14 anyos o mas bata pa ang nanganganak kada araw.

Isinusulong din ni Senador Risa Hontiveros ang Senate Bill 1334 o ang Prevention of Adolescent Pregnancy Bill.

“If the increase of the teenage pregnancies cases will not be resolved, it will add more burden to our health care system, our economy and, in the long run, our plans for the next generation,” pahayag ni Hontiveros.