Nation

LOW INTEREST LOAN PROGRAM SA STUDENTS ISINUSULONG

/ 21 September 2020

UPANG matiyak na may maaasahang ayuda ang mga mahihirap na estudyanteng nais magpatuloy ng pag-aaral, isinusulong ng isang kongresista ang pagbuo ng loan program na may mababang interes.

Sa paghahain ng House Bill 7663 o ang proposed Student Loan Act, iginiit ni Ang Probinsiyano Partylist Rep. Alfred delos Santos na maraming estudyante ang nagmula sa mga pamilyang hirap sa pagbabayad ng matrikula at iba pang pangangailangan sa paaralan.

“The strengthening of our educational system comes with the acknowledgement that not only is financial assistance needed in terms of free tuition in the tertiary level, but in terms of accessing the necessary resources for their education,” pahayag ni Delos Santos sa kanyang explanatory note.

Batay sa panukala, itatatag ang Philippine Board of Student Loans na babalangkas at magbabantay sa pagpapatupad ng mga polisiya hinggil sa pagpapautang sa mga estudyante.

Kasama sa mandato ng board ang pagbuo ng sistema para sa student loan sa mga secondary at tertiary level, bumuo ng guidelines at polisiya para mas malawak na sakop ng programa at palagiang pag-report sa Kongreso ng estado ng mga loan.

Ang board ay bubuuin ng chairperson ng Commission on Higher Education, Education Secretary, Finance Secretary, Budget Secretary, isang faculty representative at dalawang student representatives mula sa state university  na may pinakamalaking student population.

Maglalaan ng P50 milyong  pondo para sa paunang implementasyon ng programa habang ang mga susunod na kinakailangang budget ay magmumula na sa CHED.