LORENZANA, CONCEPCION MULING MAGPUPULONG
INANUNSIYO ni Defense Secretary Delfin Lorenzana na magpupulong ulit sila ni University of the Philippines President Danilo Concepcion para ituloy ang diyalogo sa kinanselang kasunduan na nagbabawal sa pagpasok ng mga pulis at militar sa unibersidad.
Gayunman ay hindi binanggit ng kalihim kung kailan ito gaganapin.
Tiniyak naman ni Lorenzana na bukas siya na pakinggan ang panig ng UP sa usapin kasunod ng apela ng unibersidad na suspendihin ang desisyon ng kalihim na ibasura ang 1989 UP-DND Accord.
Ayon kay Lorenzana, hindi siya magsasalita nang tapos at kanya ring pag-iisipang mabuti kung pagbibigyan o hindi ang hirit na ito ng UP.
Una nang idinahilan ni Lorenzana na pinaglipasan na ng panahon ang kasunduan at nagampanan na ang layunin nito kaya wala nang saysay na ituloy pa ito.
Magugunitang nakipagpulong si Lorenzana sa mga opisyal ng UP, kasama si Board of Regents at Commission on Higher Education Chairman Prospero de Vera, noong Pebrero 4 para magkalinawan ang magkabilang panig.