Nation

LONG-TERM PLAN SA BASIC EDUCATION PINURI

/ 13 June 2022

PINAPURIHAN ni Pasig City Congressman Roman Romulo ang Basic Education Development Plan 2030 ng Department of Education na naglalayong matugunan ang mga kinakaharap na problema sa sektor ng edukasyon sa bansa.

Kamakailan lang ay inilunsad ng kagawaran ang nasabing plano kung saan layunin nitong makapagbigay ng istratehikong roadmap upang lalo pang mapabuti ang paghahatid ng dekalidad na edukasyon sa mga bata.

“Pagdating kasi sa edukasyon kailangan mahaba ‘yung planning natin kasi alam din natin na pre-pandemic pa lang may mga kaunting problema na na nangyayari,” ani Romulo, chairman ng House committee on basic education and culture.

Ayon sa mambabatas, kinakailangang planuhing maigi kung papaano matutugunan ang mga patong-patong na suliranin at mga hamon para sa sektor ng edukasyon.

“Kung maalala ninyo nagkaroon tayo ng mga international assessment test, ‘yun nga dun ‘yun PISA (Programme for International Student Assessment) mababa tayo, at pagkatapos nun nagkaroon tayo ng pandemya, so alam natin na kahit saang parte ng mundo hindi talaga sanay sa distance learning o modules, talagang mas mahalaga pa rin yung tinatawag na face-to-face classes,” paliwanag ng mambabatas.

“Importante dito nasaan na ‘yung mga estudyante ngayon, ‘yung K to 12 saan sila nakatayo ngayon? Ibig sabihin ba kailangan pa ba natin ‘yung bridging program o hindi naman. So, kailangan po talaga ng mahabang plano? Although dati pa naman meron ng mahabang plano,” dagdag pa niya.