Nation

LONG-TERM MODERNIZATION PLAN SA BASIC EDUCATION PINABUBUO SA DEPED

/ 10 November 2020

BILANG isa sa mga tugon sa nararanasang krisis dulot ng Covid19 pandemic ay binuhay ni Senador Sonny Angara ang panukala para sa pagsusulong ng school modernization.

Sa kanyang Senate Bill 1633, o ang proposed School Modernization, Connectivity and Innovation Act of 2020, inaatasan ang Department of Education na bumalangkas ng ‘viable, comprehensive and sustainable long-term modernization plan’ para sa public elementary, junior high at senior high schools.

Ipinaliwanag ni Angara na ang panukala ay tugon din sa implementasyon ng Republic Act 10929 na nagsusulong ng Free Internet Access in Public Places Program at nagbibigay ng mandato sa Department of Information and Communications Technology na magtayo ng free wifi hotspots sa lahat ng public education institutions.

Kasama sa panukala ni Angara ang pagbibigay ng smartphones, tablets o laptops, gayundin ng mobile internet hotspots sa mga guro at estudyante sa mga panahong ipinagbabawal ang face-to-face classes.

“The State shall also encourage the participation of the private sector and local government units in strengthening programs which provide relevant and adequate skills training and equipment for public school children necessary for them to be globally competitive,” pahayag pa ni Angara sa panukala.

Bukod sa computerization sa mga public elementary at high school at paniniguro ng digital connectivity sa pagitan ng mga guro at estudyante, nakasaad din sa panukala ang upgrading ng mga library at science laboratory sa mga pampublikong elementary at secondary schools.

Pagtutuunan din ng pansin sa panukala ang pagsusulong ng integrated distance-learning program.

Sa ilalim ng programa, hihikayatin ang mga estudyante mula sa local at foreign private schools na ibahagi ang kanilang kaalaman at kasanayan sa Science and Technology, Mathematics, English at Communication sa mga estudyante sa public schools sa pamamagitan ng modern system of instructional and communications technology.

Alinsunod din sa panukala, ipagkakaloob ng Department of Budget and Management ang 10 percent ng kabuuang pondo ng DepEd para sa School Modernization and Innovation Program.