Nation

LOAN SHARKS PINAPAYAGAN NG DEPED? ATM NG MGA GURO NAISASANLA — TDC

INIREKOMENDA ni Teachers' Dignity Coalition Chairperson Benjo Basas sa Department of Education na magtayo ito ng sariling lending institution para sa mga guro.

/ 31 October 2020

INIREKOMENDA ni Teachers’ Dignity Coalition Chairperson Benjo Basas sa Department of Education na magtayo ito ng sariling lending institution para sa mga guro.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, sinabi ni Basas na marami sa mga lending agency ang madalas na pumipila sa DepEd upang mabigyan ng loans ang mga teacher.

“Gusto ko lamang din po sanang tingnan ng ating lehislatura ang naging practice po kasi andami pong lending agencies na pumipila dito sa DepEd, sandamakmak po ito at kung wala nang maiutang ang teacher, nagsasanla na lamang ng mga ATM,” pahayag ni Basas.

“One of our proposals po ay sana magkaroon po ng sariling lending institution ang DepEd. Naisumite na po namin ito at napag-usapan na po sa isang pagpupulong,” sabi pa ni Basas.

Kasabay nito, hiniling ni Basas sa DepEd na huwag higpitan ang mga lehitimong organisasyon at kooperatiba ng mga guro na sumusunod naman sa rules and regulations.

“Makapasok din sana ang mga cooperative at organisasyon sa automatic payroll deductions para puwede silang maningil ng dues,” diin pa ni Basas.

Iginiit pa niya na kaunti lamang ang mga school-based cooperative na ito kumpara sa napakaraming nakapila na loan sharks na pinapayagan umano ng DepEd.