LIVE SITES PARA SA WIFI SA SUCs HALOS 2K NA
KINUMPIRMA ng Department of Information and Communications Technology na aabot na sa 1,832 ang live sites para sa wifi connections sa state universities and colleges at Technical Education and Skills Development Authority institutions
Nasa 9,586 naman ang live sites sa mga pampublikong lugar habang 2,989 sa mga pampublikong ospital, medical centers, rural health units, quarantine facilities at vaccination centers.
Ang kumpirmasyon ng DICT ay ginawa sa budget deliberations sa Senaso sa gitna ng pagpapaalala ni Senadora Grace Poe sa DICT na umaasa ang mga Pilipino sa pangako ng gobyernong 200 megabits per second o mbps internet speed para sa National Broadband Plan.
“Inaasahan nating sa Pebrero 2022, aktuwal na mararamdaman na natin ang 200 mbps internet speed na ipinangako ng pamahalaan,” pahayag ni Poe.
“Tulad ng imbensiyon ng elektrisidad may isang siglo na ang nakararaan, ang broadband technology ang susi sa trabaho, pag-unlad ng ekonomiya at mas maginhawang pamumuhay habang dinaraanan natin ang pandemya,” dagdag ng senadora.
Sinabi ni Poe na patuloy na susuportahan ng Senado ang pagkumpleto sa NBP na nakatutok sa pagresolba sa matagal nang inaasahang pag-angat ng kalidad ng internet connection sa bansa.
Sa kanyang interpelasyon kay Sen. Ronald dela Rosa, ang plenary sponsor sa panukalang pondo ng DICT para sa 2022, nabatid na ang Phase 1 ng programa ay inaasahang gugulong sa Pebrero sa susunod na taon.
Palalakasin nito ang internet speed sa mga tanggapan ng pamahalaan tungo sa 200 Mbps sa National Capital Region, Region 1, Region 3 at mga bahagi ng Region 2.
Ang kasalukuyang average fixed broadband download speed ay nasa 70 mbps at 33 mbps naman para sa mobile downloads.
“Kinikilala natin ang pagsisikap ng ahensya at tingin ko, pinag-iibayo na rin ng mga telco ang pagpapaigting ng dapat nilang gawin lalo na’t alam nilang marami ngayon ang nagtatrabaho sa kani-kanilang mga tahanan,” paliwanag ni Poe.
Si Poe ang nagsusulong ng probisyon para sa libreng wifi connections sa SUCs para matugunan ang pangangailangan sa koneksiyon ng mga estudyante at guro.
Iniakda rin ng senadora ang Republic Act 11311 o ang Better Terminals law, na nagtataguyod ng libreng internet services at malinis na pasilidad para sa mga pasahero sa mga transportation terminal.
Inaprubahan ng Department of Budget and Management ang P6.47-bilyong pondo ng DICT para sa 2022 at pinadagdagan pa ito ng Senado sa kanilang bersiyon ng appropriations bill para umabot sa P9.5 bilyon.
“Dahil sa financial muscle ng Kongreso, umaasa tayong pabibilisin ng DICT ang pagkumpleto sa broadband program. Labis na makatutulong ngayong pandemya ang mabilis, maaasahan at murang internet na aabot sa mga unserved at underserved areas. ‘Wag sana tayong biguin ng DICT sa naturang landmark task,” diin ni Poe.