Nation

LISTAHAN NG TEACHERS NA TUMANGGAP NG LAPTOP SA DEPED IPINASUSUMITE SA SENADO

/ 5 September 2022

IPINASUSUMITE ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Francis Tolentino sa Department of Education ang listahan ng mga guro na nakatanggap ng laptop mula sa ahensiya.

Ito ay upang madetermina kung tugma ang dami ng biniling laptop sa mga gurong tumanggap nito.

Inilutang din ni Tolentino ang posibilidad na paharapin sa pagdinig ng komite kaugnay sa procurement ng umano’y overpriced at outdated laptops ang ilan sa mga recipient.

Ipinaliwanag ng senador na posibleng kasama sa maitanong sa mga iimbitahang guro ang kanilang karanasan sa paggamit ng mga inisyung laptop sa kanila.

Idinagdag ni Tolentino na mahaba pa ang tatakbuhin ng pagdinig bago sila tuluyang makabuo ng konklusyon sa pangyayari sa kontrata.

“Wala pa kami sa pananagutan kasi sabi ko stage by stage tayo. Next hearing tungkol na sa bidding and award…Ayoko pangunahan…Kung may pananagutan kailangan matahid-tahid natin ito, hindi ‘yung base sa ating interes o damdamin kailangan base sa ebidensya,” pahayag ni Tolentino.

Posible namang magpatawag si Tolentino ng executive caucus sa mga miyembro ng komite upang talakayin ang hiling ni dating PS-DBM Officer in Charge Lloyd Christopher Lao na bigyan siya ng clearance ng komite na gagamitin sa kahilingan sa Bureau of Immigration na alisin na ang hold departure order laban sa kanya.