Nation

LIMITED F2F CLASSES TARGET PALAWIGIN SA IBANG KURSO

/ 6 July 2021

PLANONG irekomenda ni Commission on Higher Education Chairman Popoy de Vera kay Pangulong Rodrigo Duterte na palawigin sa ibang kurso, bukod sa medisina, ang pagsasagawa ng limited face-to-face classes.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Higher and Technical Education, sinabi ni De Vera na nasa 93 Higher Educational Institutions ang pinayagan na para sa face-to-face classes sa kanilang medical and other allied courses.

Nilinaw ni De Vera na hindi sabay-sabay ang pagsisimula ng face-to-face classes ng 93 HEIs kung saan ang iba ay matagal nang nakapagsimula.

Iniulat ng opisyal na kabilang sa mga unang nagsimula ang University of the Philippines-College of Medicine, Our Lady of Fatima University at University of Santo Tomas.

Kinumpirma ni De Vera na sa mga nagsimula na ng face-to-face classes ay wala pang naitatalang infection ng Covid19.

“If they are safe, we can go to the President and ask for his approval to allow face-to-face classes for other degree programs,” pahayag ni De Vera.

Ipinaliwanag pa ng opisyal na sa ngayon ay bumabalangkas na sila ng talaan ng mga subject o kurso na nangangailangan ng physical interaction.

Sinabi ni Senadora Pia Cayetano na dapat nang aralin ang pagbabalik eskwela ng mga estudyante para matiyak ang pagkatuto.

Ayon sa senadora, sa kanyang pag-iikot sa iba’t ibang lugar, nakita niya na marami nang bata ang naglalaro at ang ibang college students ay nakikita pa niyang nagho-holding hands.

“I think that should be part of the discussion… I really support the discussion to open the discussion because we’re closer to improving the quality of education,” pagbibigay-diin ni Cayetano.