Nation

LIMITED F2F CLASSES SA ILANG UNIBERSIDAD PINAGHANDAAN NG CHED —  CHAIRMAN DE VERA

/ 29 August 2020

KINUMPIRMA ni Commission on Higher Education Chairman Popoy de Vera na pinaghahandaan pa rin nila ang pagsasagawa ng limitadong face-to-face classes sa ilang higher education institutions, partikular sa mga lugar na nasa Modified General Community Quarantine.

Sa pagdinig ng House Committee on Higher and Technical Education, ipinaliwanag ni De Vera na may mga institusyon na nangangailangang magpatupad ng limitadong face-to-face classes bunsod ng mahina o kawalan ng internet connection

Bukod dito, may mga HEI din na walang kapasidad na magpatupad ng online learning.

Sinabi pa ni De Vera na may mga degree na nangangailangan ng laboratoryo at mayroong ding mga estudyante na nakatakdang sumalang sa on the job trainings na hindi naman maaaring ituro sa online.

Sa pinaplanong limited face-to-face classes, sinabi ni De Vera na kailangan ng koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan bago ang pagbubukas ng mga campus.

Dapat ding sumunod sa mga ipinatutupad na health protocols gaya ng social distancing hanggang sa loob ng mga classroom,  gayundin ang paghahati-hati ng mga estudyante sa bawat klase.

Mahigpit naman, aniya, nilang ipatutupad ang regulasyon na agad na ipasasara ang campus sa sandaling magkaroon ng Covid19 infection.

Sa impormasyon ng CHED, nasa 20 HEIs na ang nagbukas ng klase simula nooong Hunyo hanggang Hulyo habang 731 ang nagsimula nitong Agosto at 186 ang nagtakda ng opening ng klase sa Setyembre at Oktubre.

Sa 112 State Universities and Colleges naman, 38 porsiyento na ang nagbukas ng klase nitong Agosto, 47 porsiyento ang magbubukas sa Setyembre, 13 porsiyento sa Oktubre habang dalawang porsiyento pa ang hindi nakapagdedesisyon kung kailan magbubukas.

Aminado si De Vera na numero uno pa ring problema ang internet connectivity issues kaya malaki ang pasasalamat nila sa paglalaan ng P3 bilyon sa Bayanihan to Recover As One Act para sa pag-develop ng smart campuses.