LIMITED F2F CLASSES IN JANUARY – DE VERA
SINABI ni Commission on Higher Education Chairperson Prospero ‘Popoy’ De Vera III na posible na umanong payagan ang ilang unibersidad na magsagawa ng limited face-to-face classes sa Enero 2021.
“Natapos na po namin ang guidelines para sa posibleng limited face-to-face pagdating ng January sa mga klase,” sabi ni De Vera sa kanyang talumpati nang bumisita sya kasama si Labor Secretary Silvestre Bello III sa Marikina City kahapon ng umaga bilang kinatawan ng Inter-Agency Task Force para alamin ang suliranin ng lungsod sa pagtugon sa Covid19.
Ayon kay De Vera, bilang requirement ay kinakailangan na i-retrofit ng isang unibersidad o pamantasan ang kanilang classrooms para masiguro na may social distancing at saka may sapat na ventilation.
“Pinagtulong-tulungan po ng Department of Health, ng CHED ‘yung paggawa ng guidelines. At ang gusto kong tingnan ‘yung state universities at local college sa Marikina City kung plano nila mag-limited face-to-face sa January, kung paano nila ire-retrofit ‘yung kanilang mga classroom,” sabi ni De Vera.
“So may posibilidad po na payagan ang limited face-to-face in MGCQ [modified general community quarantine] areas by January,” dagdag pa nya.
Paliwanag ng CHED chairperson, may mga kurso umano na hindi pwedeng gawing online at nangangailangan ng interaction sa faculty at estudyante.