Nation

LIMITED F2F CLASSES HINDI MANDATORY — CHED CHAIR

/ 2 February 2021

HINDI sapilitan ang implementasyon ng limited face-to-face classes sa mga unibersidad na nag-aalok ng kursong medicine at allied health sciences, ayon kay Commission on Higher Education Chairperson Prospero De Vera III.

“Hindi ito sapilitan. Ibig sabihin, iyong mga estudyante na ayaw mag-face-to-face kailangan bigyan ng alternatibo ng mga pamantasan kaya dapat sila’y magkonsultasyon sa kanilang mga estudyante at mga magulang,” sabi ni De Vera sa Laging Handa briefing.

Paliwanag pa ng kalihim, limitado lang ang in-person classes sa mga estudyanteng higit 20 taon o iyong nasa third year o fourth year college na.

Dagdag pa ni De Vera na ipasasara nila ang mga pamantasan na may kumpirmadong kaso ng Covid19.

“Kung mayroong infection, ito ay ipasasara ng Komisyon hanggang malinis at maayos iyong problema,” ayon pa kay De Vera.

Hindi rin awtomatikong pinapayagan ng CHED ang lahat ng eskwelahan na magbukas.

“Sila ay mag-a-apply sa CHED at iinspeksiyunin iyong kanilang mga eskuwelahan kung tama ang kanilang pag-retrofit, kung sila ay may koordinasyon sa local government, at kung inoobserbahan ang  health standards doon sa kanilang eskuwelahan,” sabi ni De Vera.

Kamakailan lang ay sinabi ng CHED na inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabalik ng limited face-to-face classes para sa mga estudyante ng medicine at allied health sciences, gayundin sa mga unibersidad sa mga lugar na nasa ilalim ng general community quarantine.

“Ang inaprubahan ng Pangulong Duterte ay unang-una, iyong limited face-to-face classes ay limitado lamang sa medical and allied health sciences. So, kasama dito iyong medisina, nursing, physical therapy, midwifery, med tech, public health, etc., doon lamang sa mga subject na hindi puwedeng i-deliver virtually. Ibig sabihin, mga subject na kailangan talaga ang estudyante ay maka-interact halimbawa sa pasyente.”

“Handa na iyong mga private schools dito dahil bago pa man aprubahan ni Pangulong Duterte kami’y tuloy-tuloy na nagmi-meeting at nag-aayos ng mga guidelines. Iyong iba sa kanila ay na-inspect ko na mismo. Kami ni Secretary Galvez ay in-inspect namin iyong retrofitting ng facilities at iyong tiningnan naman namin ay pasado sa aming assessment kaya ngayon nag-a-apply na iyong mga eskuwelahan sa mga regional office ng CHED at isa-isa silang bibisitahin ng Komisyon,” dagdag pa ni De Vera.