Nation

LIMITADONG F2F CLASSES PAG-ARALAN — LAWMAKERS

/ 24 November 2020

NAGPAHIWATIG si Senador Ralph Recto ng pagpabor sa pagpapatupad ng face-to-face classes sa mga lugar na walang kaso o mababa ang kaso ng Covid19.

Sinabi ni Recto na kung pinapayagan na ang pagbubukas ng ibang mga negosyo para sa pag-angat ng ekonomiya, dapat pag-aralan na rin ng gobyerno ang pagpapatupad ng limitadong face-to-face classes.

“We’re already allowing our people to go to restaurants but education which is one of the most essential is not allowed. Non-essential activities puwede,” pahayag ni Recto.

Inirekomenda pa ng senador na pag-aralan ang iba’t ibang sistema para sa limitadong face-to-face classes tulad ng pagkakaroon ng schedule sa bawat grupo ng mga estudyante.

Inihalimbawa nito na kung dati ay 40 ang estudyante sa klase ay maaari itong gawin sa bawat 10 estudyante.

“What about in areas na walang Covid naman? Why not just allow students to enter, go back to the classrooms?” diin ni Recto.

Kinatigan naman ni Senadora Pia Cayetano ang pananaw ni Recto subalit binigyang-diin na nasa desisyon pa rin ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases kung papayagan ang limitadong face-to-face classes.

Tiniyak din ni Cayetano na ang mismong Department of Education ay bukas sa konsiderasyon sa physical classes sa gitna na rin ng ilang problema sa implementasyon ng distance learning.