LIGTAS NA F2F CLASSES PINATITIYAK NG SOLON
HINIMOK ni ACT Teachers Partylist Rep. France Castro ang gobyerno na ngayon pa lamang ay tiyakin ang ligtas na pagsasagawa ng face-to-face classes.
Sinabi ni Castro na kung pinaghahandaan na ang pagbubukas ng mga sinehan, mas makabubuting ngayon pa lamang ay ilatag na rin ang mga pangangailangan para sa ligtas na pagbabalik-eskwela..
“Kung kayang buksan ang mga sinehan, dapat paghandaan din ang ligtas na pagbabalik eskwela,” diin ni Castro.
“The Duterte administration through the Department of Education must ensure that there are adequate facilities for safe back to school,” pahayag pa ni Castro.
Iginiit ng kongresista na dapat magkaroon ng access sa regular Covid19 testing ang mga guro at mga school personnel bukod pa sa pagbibigay sa kanila ng health kits.
Bukod dito, dapat din aniyang tiyakin ang sapat na suplay ng tubig sa mga paaralan at bigyan ng sick leave benefits at medical check-up ang mga guro at iba pang school personnel.
“These are the least that the Department of Education can do to ensure the health safety for our teachers, students and the community they belong to,” ayon pa kay Castro.
“Kailangan nang gumawa ng Department of Education ng mga konkretong hakbang at mga patakaran upang mapaghandaan ang pagbabalik paaralan ng mga guro, kawani at mag-aaral. Hindi na maaaring maulit ang nangyari noong nakaraang taon na parang laging naghahabol ang ahensiya ng edukasyon sa mga paghahanda para sa papasok na bagong taon ng paaralan,” dagdag ng kongresista.