LIGTAS AT ABOT-KAYANG EDUKASYON IGINIIT
IGINIIT ng National Union of Students of the Philippines ang pagkakaroon ng ligtas at abot-kayang edukasyon.
Ayon sa NUSP, nakararanas ang sektor ng edukasyon ng matinding kakulangan sa pondo lalo na para sa paghahanda sa muling pagbubukas ng mga eskwelahan kaya naman isinusulong nito na taasan ang badyet at ayuda sa mga eskwelahan para maisulong ang mga panawagan para sa ligtas na pagbabalik-eskwela sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Nais din ng grupo na palawakin ang sakop ng libreng edukasyon at wakasan ang pagtaas ng matrikula at iba pang bayaring sinisingil sa mga estudyante.
“Waksihan ang mga anti-estudyanteng polisiya katulad ng ‘No Permit, No Exam’ at ‘No Late Payment’ policy’ sa mga paaralan na nagdaragdag sa pasanin ng mga Pilipinong mag-aaral,” ayon sa grupo.
Sinabi rin nito na nangangailangan ang mamamayang Pilipino ng lideratong maipaglalaban at maipatutupad ang mga demokratikong karapatan ng mga estudyante at kabataang makamit ang edukasyong makabayan, siyentipiko, makamasa at nagsisilbi sa bayan.