LIBRENG ZOOM, CANVA, SCRIBD ACCOUNTS IPINAGAGAMIT SA MGA KABATAAN NG VALENZUELA
HIGIT pa sa mga kagamitang pang-eskuwela, load, at wifi modems, kailangan din ng mga mag-aaral na magkaroon ng akses sa mga learning management system at mobile application na makatutulong sa pag-aaral sa panahon ng pandemya, na kadalasan ay umaabot sa higit sanlibong piso kada buwan ng subscription.
Ito ay ayon sa ulat ng grupo ng mga boluntaryong residente ng Valenzuela City kawing sa inisyatibang pinangalanang #GAcademics.
Ayon kay Gerald Galang, graduate ng De La Salle University College of Saint Benilde at convener ng proyekto, hindi puwedeng “basta makaraos” lamang ang mantra ng mga mag-aaral sa panahon ng online classes. Dapat pa rin aniyang masigurong mataas ang kalidad ng edukasyon mula elementarya hanggang kolehiyo kahit na tila matatagalan pa ang pagbabalik sa face-to-face classes.
Nasimulan na ng grupo ni Galang ang Oplan Balik Eskuwela sa District 2 ng Valenzuela City at sa pag-iikot ay napag-alaman nilang makatutulong nang higit kung libre na ring ipagagamit sa mga mag-aaral ang mga mobile at internet-based application gaya ng Zoom, Canva, at Scribd.
“Collaborative kaysa individual learning ang dapat maisakatuparan ngayon. Bukod sa nakukumusta ng mga mag-aaral ang kanilang mga kaibigan sa tuwing may group activity ay nakapaghahasaan din sila ng nalalaman. Nag-aagapayan sila sa mga lesson lalo na sa Math, Science, at English language.
“Pero, saan sila puwedeng mag-meeting? Paano nila mama-maximize ang internet at edukasyon sa cyberspace kung limitado naman ang mga site at app na maaaring puntahan at ma-utilize?”
Iyan ang suliranin ngayong tinutugunan ng #GAcademics.
Libreng ipagagamit ng grupo ang Zoom para sa mga mag-aaral na nais magpulong, magrebyu, o mag-webinar.
Dagdag pa, libreng-libre na rin ang Canva for Education kung saan puwedeng mag-edit ng pictures at publicity materials. Ang Scribd, na imbakan ng academic papers, journals, class reports, at iba pang educational content ay kasama na rin sa ipinamamahaging accounts.
“Noong una, internet lamang ang ipinamimigay. May prepaid load, SIM card, wifi modem. Pero ngayon, kasama na ang free subscriptions. Lahat para sa ikauunlad ng mga kabataan ng Valenzuela,” sabi ni Galang.
Nang tanungin, sinisikap umano nilang dagdagan pa ang listahan ng apps at websites na puwedeng maakses ng mga estudyante. Gusto rin ng grupong palawigin ang programa at magiging pambansa na sa lalong madaling panahon.
Daan-daang mga mag-aaral ang kasalukuyang naseserbisyuhan ng #GAcademics at labis ang pasasalamat nila sa naturang inisyatiba.
“Maraming salamat po, Sir Gerald Galang na isa po ang anak ko na napili ninyo [sa programa].
Napakalaking tulong po nito para sa kanyang online class,” sabi ni Leonisa PaulateLibores sa isang Facebook post.
Bisitahin ang https://forms.gle/JPjmx6nB7sMeK49x6 para makapag-register.