Nation

LIBRENG WIFI SA ANGELES CITY, PAMPANGA AARANGKADA NA

/ 20 September 2020

NASA 772 wifi satellite connections na ang naka-install sa Angeles, Pampanga na handang magbigay ng libreng internet simula Oktubre.

Layon nitong matulungan ang mga mag-aaral sa pagkakaroon ng libreng akses sa mga digital na rekursong pampagkatuto ngayong darating na pasukan. Distance-modular-blended  ang natatanging modalidad pampagtuturo sa buong lalawigan, sang-ayon sa kautusan ng Department of Education at ng Commission on Higher Education.

Bibigyan ang bawat mag-aaral ng internet access cards at iyon ang magsisilbi nilang gate pass sa internet. Nakasala na rito ang mga site na hindi nila puwedeng bisitahin habang nag-aaral.

Bukod dito, ang libreng internet ay makatutulong sa mga mamamayang nagnanais na hasain ang kani-kaniyang technical-vocational skills habang nasa bahay kung saan  makakaakses sila sa  mga online course ng Technical Education and Skills Development Authority.

Ang mga naghahanap naman ng trabaho’y makabebenepisyo rin sa libreng wifi sapagkat binuksan na ni Mayor Carmelo Lazatin ang proyekto sa lahat ng mga residente ng Angeles.

Tinatayang nasa P20 milyon  ang kabuuang badget para sa Free WiFi project ng pamahalaang lungsod. Dagdag ito sa P161 milyong pondo na nauna nang inilaan sa pagbili ng mga tablet para sa higit 48,000 pampublikong paaralan.

Ayon kay Irish Calaguas, Chief Advier ni Lazatin, ang proyekto ay sa pakikipagtulungan ng Pil-Chi Telecoms, Inc. at ng Converge ICT Solutions, Inc.