Nation

LIBRENG TUITION SA UP PINAREREPASO

INAMIN ni Senador Sherwin Gatchalian na kailangan nang bisitahin ang batas na nagbibigay ng awtomatikong scholarship sa mga estudyante ng University of the Philippines.

/ 24 April 2023

INAMIN ni Senador Sherwin Gatchalian na kailangan nang bisitahin ang batas na nagbibigay ng awtomatikong scholarship sa mga estudyante ng University of the Philippines.

Ito ay kasunod ng mga puna na may mga mayayaman na nakikinabang sa libreng tuition para sa mga estudyante ng State Universities and Colleges na dapat sana ay para sa mga kwalipikadong mahihirap.

“Tama may mga mayayaman na nag-aaral sa ating SUCs pero sa aking pag-aanalisa karamihan ‘yan ay nasa UP at ‘yung unang proposal nga pagdating sa libreng tuition fee hindi kasama ang UP kasi nga maraming nag-aaral sa UP ay may kaya. Pero after debating it, isama na natin ang lahat ng public university kasama na ang UP. So naisama ang UP,” pahayag ni Gatchalian.

Samantala, ipinaliwanag ni Gatchalian na hindi naman lahat ng public university ay kahalintulad ng UP dahil mayorya naman sa SUCs ay mula sa mahihirap na pamilya ang mga estudyante.

“Pero hindi lahat ng public university ay UP. For example, dito sa Bulacan State University almost 90 percent, almost 95 percent pa nga ng nag-aaral diyan ay mahiihirap o ‘yung tinatawag natin na middle low and below na mga estudyante. Masasabi ko almost 90 percent ng mga SUC natin ang kanilang kliyente ay mga mahihirap na estudyante. Dito sa amin yung Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela 100 percent, nagkaroon kami ng survey puro mahihirap lang na mga kababayan natin,” diin ni Gatchalian.

Sinabi ng senador na panahon nang repasuhin kung dapat pang isama ang UP sa free tuition law dahil maging ang unibersidad naman ay nagsasabi na mas epektibo ang dati nilang sistemang ipinatutupad kung saan nagbabayad ang mga may kaya.

“Ang UP may sarili silang sistema na ‘yung, hindi ko na matandaan ang technical term pero ang sistema nila doon, binibigyan nila ng scholarship yung mga mahihirap na karapat-dapat. Hindi lahat para hindi nga masali lahat. Marami rin nag-aaral sa UP sinasabi nila na ibalik na lang ang dating sistema. Ako okay ako doon,” dagdag ng senador.

Kasabay nito, nilinaw ng senador na may probisyon din sa batas ng libreng pag-aaral sa kolehiyo ang tinatawag na opt-out.

“Pero sa batas natin, may tinatawag na opt out ah. Kung let’s say ang konsensya mo sinasabi sa iyo na magbayad ka na lang, puwede kang magbayad. Merong tinatawag na opt out doon sa batas kaya kung tingin mo hindi ka karapat-dapat ilibre dahil ikaw ay may kaya naman pwede kang magbayad,” paliwanag ni Gatchalian.