Nation

LIBRENG TABLETS, LAPTOPS SA MGA GURO AT MAG-AARAL SA MANDALUYONG

/ 6 October 2020

LIBO-LIBONG tablets at laptops ang ipamamahagi ng lokal na pamahalaan ng Mandaluyong sa mga public school teacher at mag-aaral ng lungsod na gagamitin para sa blended at distance learning.

Apatnapu’t isang libong tablet ang ibibigay sa mga mag-aaral mula Grade 4 hanggang Grade 12 habang 2,300 mga laptop naman ang ipamamahagi sa mga guro. Nagkakahalaga ng P264 million ang mga gadget na ito.

Mamimigay rin ang lokal na pamahalaan ng libreng laptop sa lahat ng principals, supervisors at Schools Division Office personnel, na nagkakahalaga ng P7 million.

“Mahirap pang bigyan ng tablet ang mga nasa Kinder hanggang Grade 3, baka dun na lang sila mag-concentrate. Kailangan matuto munang magsulat ang mga bata,” pahayag ni Mandaluyong Mayor Menchie Abalos sa turnover ceremony na ginanap sa City Hall Lunes ng umaga.

“’Yung mga laptop naman ay libreng ibibigay sa lahat ng mga guro at maging pag-aari na nila iyon . . . hindi na pababayaran pa o pahuhulugan pa dahil hirap din sila sa pampinansiyal,” dagdag pa ng alkalde.

Sinabi rin ni Abalos na may service center na puwedeng pagpagawaan sakaling may depekto o sira ang  naturang mga gadget.

Naglaan ng P557 million ang lokal na pamahalaan para sa learning devices at iba pang mga pangangailangan ng mga estudyante at mga guro ngayong taong pampaaralan.

Bukod sa mga tablet at laptop, naglaan din ang lokal na pamahalaan ng P71 million para sa self-learning modules at mga bag (MANDunong Kits), P208 million para sa school uniforms, sapatos at medyas para sa kinder hanggang Grade 12 students at P7 million naman para sa quipper online at offline class para sa Senior High School (Grades 11 and 12) students.