LIBRENG TABLET SA MGA PASIGUENO MAUUNSIYAMI?
MALAKI ang posibilidad na maantala ang distribusyon ng libreng tablet sa mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralan sa Pasig City dahil sa ilang teknikal na isyu na kinakaharap ng lowest bidder, ang RedDot Imaging Philippines.
Napag-alaman na na-disqualify ang nasabing kompanya dahil na rin sa ilang isyu tulad ng bukod sa hindi masyadong kilala ang Coby brand na tablet, hindi rin umano ito matibay lalo na’t inaasahan na puspusan itong gagamitin ng mga mag-aaral.
Ang RedDot Imaging Philippines ay ang lowest bidder na kompanya sa ginanap na live bidding process at batay sa ipinakita nilang unit, ito ay may tatak na Coby, isang American brand na produkto.
Napag-alaman din na ang Coby Electronics Corporation, na siyang gumagawa ng Coby brand na tablet, ay nagsara noong 2013 dahil sa problemang pinansiyal.
Ang nasabing brand ay may huling product review noong 2012 at 2013 sa YugaTech, isa sa mga kinikilala pagdating sa online gadget review. Hindi nakumpirma kung sa kanila ang Facebook account na ito na may huling post noon pang 2017.
Binigyang-diin ni Gilbert Malcolm, miyembro ng technical working group ng Bids and Awards Committee, na kailangan nilang tingnan kung pasado sa requirement ang item na gustong bilhin ng lokal na pamahalaan. Sinabi niya na kailangan nilang i-match ang actual item sa specification na inilatag.
“Kailangan din nilang mai-deliver ang nasabing item based sa 45-day delivery term at kailangan nilang i-comply within the first 15 calendar days ang 30% ng kabuuang napanalunang award sa tablet, and then the rest of the delivery ay makumpleto nila hanggang sa ma-meet ang 45 days,” sabi ni Malcom.
Ayon naman kay Roberto Osorio, isa pang miyembro ng TWG, isa rin sa kailangan nilang tingnan ay ang may kinalaman sa after-sales nito o serbisyong kailangang gawin ng kompanya sakaling magkaproblema o masira pa nga ang mga unit.
“Kung talagang maayos iyong produkto mo, most likely 5-10 percent ang puwedeng masira. Hindi puwedeng walang masisira. Pagka-dispalenghado, kalahati niyan, o kaya sobra-sobra pa sa kalahati. Tinanong ko rin sila na halimbawa na lang 13,000 ang nasira, ilan ang service center ninyo rito 5, at kung hahati-hatiin natin sa lima ay libo-libo pa rin [ang pupunta sa center]. Labag na tayo sa social distancing niyan,” ani Osorio.
Napag-alaman din na naghain ng motion for reconsideration ang RedDot Imaging Philippines at naipasa na sa opisina ni Mayor Vico Sotto.
Nasa mga kamay na ng alkalde kung pagbibigyan muli ang kahilingan ng nasabing kompanya at patunayan na ang kanilang produkto ang pinakamahusay at praktikal na gamitin ng mga Pasigueñong mag-aaral para sa kanilang online schooling ngayong darating na pasukan.