LIBRENG TABLET SA LATE ENROLLEES SA PASIG
SINABI ni Pasig City Mayor Vico Sotto na natanggap na ng Department of Education-Pasig Schools Division Office ang karagdagang learning gadgets para sa mga estudyante sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.
Ayon kay Sotto, inanunsiyo na ni Schools Division Superintendent Evalou Agustin na dumating na ang ‘repeat order’ ng lokal na pamahalaan na tablets para sa 5,061 late enrollees na ‘di nakasama sa unang batch.
“Sisiguraduhin din nating mapapalitan ang mga laptop ng mga guro na naluma at unserviceable na,” sabi ni Sotto.
“Our DepEd schools and personnel have been with us all throughout this pandemic. From the transition to blended learning to the establishment of our centralized quarantine facility,” dagdag pa ng alkalde.
Bilang suporta sa distance learning modality, bumili ang lokal na pamahalaan ng libo-libong tablet, laptop at iba pang learning devices na nagkakahalagang P1.2 bilyon para sa mga mag-aaral at guro ng lungsod mula sa elementarya hanggang senior high school sa mga pampublikong paaralan.
Bukod sa gadgets, sinagot din ng lokal na pamahalaan ang matrikula ng mahigit 18,000 iskolar ng lungsod, kasama na ang pagpapalawig ng academic scholarship, sports scholarship reboot, at arts & design scholarship pilot.