Nation

LIBRENG PPE, FACE MASK, ALCOHOL SA MGA GURO

/ 24 February 2021

INAPRUBAHAN na ng dalawang komite sa Kamara ang resolusyon na nananawagan sa Department of Education at sa Commission on Higher Education na bigyan ng libreng face mask, alcohol at personal protective equipment ang mga guro sa panahon ng Covid19 pandemic.

Sa virtual hearing ng House committees on Basic Education and Culture at Higher and Technical Education, nagkasundo ang mga miyembro na aprubahan ang House Resolution No. 1103 na inihain ni Ilocos Sur 1st District Rep. Deogracias Victor Savellano.

Nakasaad sa resolusyon na kung kakayanin ay maaari ring bigyan ng tablets, laptops at internet connection ang mga guro sa panahon ng krisis.

“As our society now strives to return the students back to school, our teachers will be in great need of face mask, sanitizing alcohol and protective physical equipment to go about their work in educating the students in the midst of this pandemic,” pahayag ni Savellano sa kanyang resolusyon.

Sa pagdinig, aminado ang mga kongresista na higit na kailangan ng mga guro ang mga kagamitan upang matiyak din ang kanilang kaligtasan sa gitna ng patuloy nilang pagtupad sa tungkulin.

Ipinaalala naman ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro sa pagdinig na may hiwalay ring panukalang nakahain sa Kamara para sa pagbibigay ng P1,500 kada buwan na internet allowance sa mga guro na kailangan na ring talakayin.