Nation

LIBRENG PAG-AARAL SA MGA ANAK NG 22 BAYANING PULIS

/ 4 June 2021

LUMAGDA sa isang kasunduan ang Philippine National Police at ang Bayaning Pulis Foundation Incorporated para tulungan ang mga anak ng mga pulis na nasawi o hindi na makapagtrabaho dahil sa pagtupad sa tungkulin.

Mismong sina PNP Chief PGen. Guillermo Eleazar at Philippine Chamber of Commerce and Industry President Amb. Benedicto Yujuico ang lumagda sa kasunduan sa Pasay City noong Hunyo 2.

Ayon kay Eleazar, ang nilagdaan nilang kasunduan ay isang pagkilala sa kabayanihan ng mga pulis na nag-alay ng kanilang buhay para tiyakin ang kapayapaan at kaayusan sa bansa sa gitna ng pandemya.

Sa isinagawang signing ceremony, agad na ipinagkaloob ang scholarship sa mga anak ng 22 pulis kung saan libre silang makakapag-aral mula elementarya hanggang kolehiyo.

Sinabi ni Eleazar na walang katumbas na halaga ang buhay at sakripisyong inialay ng kanilang mga kasamahan kaya sa pamamagitan nito, kahit paano’y maipararamdam at maipakikita, aniya, sa mga bayaning pulis na pinahahalagan ang kanilang pamilya ng gobyerno.