LIBRENG LAPTOP, TABLET, WIFI IBINIGAY NA SA SDO MANILA
NAIBIGAY na ng pamahalaang lokal ng Maynila, sa pamumuno ni Mayor Isko Moreno, ang mga libreng gadget na ipamamahagi sa mga guro at mag-aaral sa lungsod.
Nasa 110,700 na Cherry Mobile tablets, 286,000 na Globe SIM cards, 11,000 na Avita laptops at 11,000 pocket wifi devices ang mga natanggap na ayuda ni SDO Manila Superitendent Maria Magdalena Lim sa turnover ceremony na ginanap noong Agosto 24.
Ang laptop at pocket wifi devices ay para sa mga guro, habang ang mga tablet at SIM card naman ang para sa mga enrolled sa Kinder hanggang Grade 12.
Ang wifi at SIM card ay parehong may 10GB buwanang internet – sapat para walang sinumang bata ang maiiwan sa online na mga aralin.
Sa Agosto 26 sisimulang ipamahagi ng SDO Manila ang mga natanggap na gadget at wifi. At sa pagbubukas ng klase sa Oktubre 5, paniniyak ni Moreno, wala nang mag-aaral na walang gadget para sa blended learning.
Dahil maraming mag-aaral mula sa pribadong paaralan ang lumipat sa publiko, pinag-aaralan ngayon ni Moreno at ng buong sangguniang lungsod kung maaari pang magdagdag ng P10 milyon para makabili ng mas maraming gadget at wifi.