Nation

LIBRENG GADGETS SA MGA ESTUDYANTE SA SAN JUAN

/ 4 October 2020

NAGTULUNGAN ang Department of Information and Communications Technology at ang lokal na pamahalaan ng San Juan City para makapamahagi ng tablets, laptops at pocket WiFis sa mga estudyante sa lungsod.

Sa Facebook post ni San Juan City Mayor Francis Zamora, lahat ng mga estudyante sa siyudad ay makatatanggap ng tablets na gagamitin nila sa kanilang pag-aaral.

Samantala, ang mga mag-aaral mula Grade 3 hanggang Grade 6 ng Pinaglabanan Elementary School ay makatatanggap ng laptops at pocket WiFis.

Ayon kay Zamora, ang mga estudyante na may special needs ay makatatanggap din ng gadgets na gagamitin sa online learning.

“Kaya naman sa darating na pasukan, ang lahat ng ating mga San Juaneñong mag-aaral sa mga pambulikong paaralan sa level ng kinder, elementary at high school, pati na rin ang mga nasa SPED ay mayroon nang magagamit na libreng gadgets para sa kanilang online schooling,” sabi  ni Zamora.

Isinagawa ang turnover ceremony ng mga gadget noong Oktubre 1, sa pangunguna nina DICT Secretary Gringo Honasan II at Mayor Zamora.