LIBRENG GADGET SA 24K LEARNERS NG VALENZUELA
PINUNAN ng pamahalaang lungsod ng Valenzuela ang pangangailangan sa learning gadget ng 24,000 mag-aaral.
Pinangunahan ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian ang pamamahagi ng 24,000 tablets sa mga mag-aaral sa mga pampublikong paaralang elementarya at sekondarya sa lungsod.
Isinagawa ang distribusyon ng tablets noong Enero 5 hanggang Enero 9.
Batay sa enrollment declaration ng Department of Education Valenzuela noong nakalipas na taon, 24,000 sa 130,000 estudyante sa pampublikong paaralang elementarya at sekondarya sa lungsod ang walang smartphone o gadget para sa online classes.
Sa beripikasyon ng DepEd Valenzuela ay natuklasan na ang student-beneficiaries ay walang kapasidad na makabili ng sariling gadget para sa online classes na nagsimula noong Oktubre 2020 kaya naglaan ang pamahalaang lungsod ng P69 millyon para sa pagbili ng tablets.
Ang naturang tablets ay maaaring gamitin sa panonood ng mga aralin sa Valenzuela LIVE Online Streaming School, sa pagbabalik-aral at panonood ng iba pang educational videos.