LIBRENG FIBER OPTIC INTERNET CONNECTION SA SAN JUAN CITY
SINIMULAN na ang pagkakabit ng fiber optic internet connection sa lungsod ng San Juan para sa online education ng mga batang San Juaneño na nag-aaral sa mga pampublikong paaralan.
“Nagsimula na po ang pagkakabit para sa online education ng mga San Juaneño public school students na nakatira sa San Juan at nag-aaral sa ating San Juan public schools,” sabi ni Mayor Francis Zamora sa kanyang Facebook post.
Ayon kay Zamora, malaking tulong ang nasabing proyekto sa mga mag-aaral ng lungsod dahil hindi na sila mahihirapan pa sa kanilang online classes.
“Kaya naman ang lahat ng mga sambahayan ng mga San Juaneñong mag-aaral sa pampublikong paaaralan ng lungsod ay magkakaroon na ng internet connection na fiber optic pa, na magagamit nila sa kanilang online education,” ayon kay Zamora.
“Ang basehan ng mga tahanan sa San Juan na kakabitan ay base sa official list na ibinigay sa atin ng DepEd San Juan,” dagdag pa ng alkalde.
Bago pa man magsimula ang pasukan ay namahagi ang lokal na pamahalaan ng 12,500 pirasong tablets, 1,000 piraso ng laptops at 1,001 piraso ng pocket wifi sa mga mag-aaral at guro sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.