LIBRENG EDUKASYON SA ANAK NG MGA BAYANI ISINUSULONG
ISA pang panukala para sa pagkakaloob ng scholarships sa mga anak ng mga tropa ng gobyerno na namatay sa pagtupad sa tungkulin ang inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.
Ang House Bill 6223 na isinusulong ni Cagayan 3rd District Rep. Joseph Lara ay naglalayong maglaan ng educational benefits sa pamamagitan ng scholarship sa mga anak ng mga napatay na uniformed personnel.
Ipinaliwanag ni Lara na sa gitna ng banta ng terorismo, komunismo at iba pang ilegal na aktibidad, isama pa ang araw-araw na krimen, tumataas ang panganib sa buhay ng mga law enforcer.
“It is but right that when theses heroes die in the line of duty or suffer permanent incapacity while in the performance of their duties, that their families will be eased of some burden,” pahayag ng kongresista sa kanyang explanatory note.
Saklaw ng panukala ang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, National Bureau of Investigation, Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection at Philippine Drug Enforcement Agency.
Nakasaad sa House Bill 6223 na ang mga anak ng mga law enforcer na napatay o naging baldado dahil sa operasyon ay pagkakalooban ng educational scholarship hanggang sila ay makapagtapos ng four-year o five-year course sa kolehiyo.
Pagkakalooban din sila ng buwanang allowance para sa kanilang mga pangangailangan sa pag-aaral.
“This scholarship is good for any public/government funded school or university, and as such, these children will be a priority in enrollment and shall be exempted in the payment of any school fees,” nakasaad sa panukala.
Sa sandaling maaprubahan bilang batas, gagawing retroactive ang implementasyon nito ng 10 taon subalit kailangan ng balidasyon ng mga ahensiya ng gobyerno.