LIBRENG COMPUTER, TECHNICAL EQUIPMENT SA MGA GURO — LAWMAKER
ISINUSULONG ni Manila Teachers Partylist Rep. Virgilio Lacson ang panukala na tutugon sa pangangailangan ng mga guro para sa implementasyon ng distance learning.
Sa House Bill 7892 o ang proposed Teachers Tech Up Act of 2020, sinabi ni Lacson na sa ngayon, bagama’t nagsisikap ang mga lokal na pamahalaan para pondohan ang mga equipment na kailangan ng mga guro, sadyang kulang pa rin ito upang tiyakin na well-equipped sa technological advances ang mga guro.
“The measures provided in this bill have been long overdue, there has never been a more wanting time for the State to address a pressing concern in our education system — that is the lack of technological resources among our public school teachers,” pahayag ni Lacson sa kanyang explanatory note.
Ipinaliwanag ng kongresista na batay sa datos, nasa 24.7 milyon ang elementary at high school students na naka-enroll para sa Academic Year 2020-2021 pero malaking hamon pa rin ang kinakaharap ng mga guro dahil sa bagong mode of instruction sa new normal.
“Our teachers are called upon to immediately adapt to blended learning, which involves both online and offline methods of instruction,” dagdag pa ng kongresista.
Batay sa panukala, ang bawat public school teacher ay pagkakalooban ng computer, web camera at internet connection device na kanilang gagamitin para sa pakikipagtalastasan sa kanilang mga estudyante.
Pinatitiyak din sa panukala na ang ibibigay na equipment sa mga guro ay nakasusunod sa standard at tatagal ang serbisyo na pinakamababa ang limang taon.
Pagsapit ng limang taon, may opsyon ang mga guro na papalitan ang kanilang yunit sa pamamagitan ng pag-surrender sa inisyung gamit sa kanila.
Bibigyan din ang mga guro ng allowance para sa connectivity o sa pagkakaroon ng internet access na ang pinakamababa ay eight gigabytes kada buwan.
Nakasaad sa panukala na maglalaan ng P50,000 sa bawat guro kada taon para sa pagbibigay ng mga kaukulang gamit sa kanila.