LIBRENG COLLEGE ENTRANCE EXAM LUSOT NA SA KAMARA
APRUBADO na sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukala na nag-aatas sa private Higher Education Institutions na alisin ang bayad sa college entrance exam para sa mga underprivilege graduating high school students.
Sa botong 197-0, inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 10555 bilang substitute bill sa House Bill 647 o ang proposed Free College Entrance Examination Act ni Parañaque City Rep. Joy Myra Tambunting.
Saklaw rin ng panukala ang high school graduates na kasama sa top 10 percent ng graduating class.
Layon ng panukala na palawakin at padaliin ang access sa dekalidad na college education sa private higher education sa pamamagitan ng pagbalangkas ng mga mekanismo para sa underprivileged and deserving high school graduates.
Sakop nito ang libreng entrance examination sa state universities and colleges at maging sa Local Universities and Colleges ng underpriviledged public high school students.
Sa sandaling maisabatas ang panukala, papatawan ng kaukulang parusa ang mga educational institution na hindi susunod sa batas.