LIBRENG COLLEGE EDUCATION, MAHALAGA SA PAGTUPAD NG PANGARAP NG MGA ESTUDYANTE — SENADOR
BINIGYANG-DIIN ni Senador Lito Lapid ang kahalagahan ng free college education para matupad ng mga estudyante ang kanilang pangarap.
Sa kanyang pagsasalita sa pagpapasinaya sa bagong kalsada sa loob ng Central Luzon State University sa Science City of Munoz, Nueva Ecija, sinabi ni Lapid na masuwerte ngayon ang mga estudyante na mayroon nang libreng kolehiyo.
“Masayang-masaya po ako na makaharap ang mga estudyante dahil magkukuwento lang po ako ng konti dahil sa karanasan po. Hindi ako nakatapos ng pag-aaral dahil sa kahirapan, dahil ako po ay anak ng labandera.
Gusto ko po mag-aral nung araw, walang pantustos ng paaral ang aking mga magulang. Kahit pamasahe lang po, piso, sa Angeles, wala po,” kuwento ni Lapid.
“Pero sinubukan ko po, pagka-graduate ko po ng high school, sinubukan ko po mag-apply kaya working student,” dagdag ng senador.
Sinabi ni Lapid na kung noon pa mayroong libreng kolehiyo ay tiyak na nakapagtapos na siya ng kanyang pag-aaral kaya patuloy ang paghimok niya sa mga estudyante na huwag sayangin ang oportunidad na mag-aral.
“Kaya sinasabi ko po sa mga estudyante at sa mga bagong mag-aaral, huwag silang mainggit sa akin. Dahil ako pa ay superstar ngayon, naging artista ako, naging vice-governor ako ng Pampanga, naging tatlong term po ako gobernador, na lalawigan ng Pampanga, tatlong term na po ako bilang senador pangkasalukuyan. Huwag po kayong mainggit sa akin,” pahayag pa ng senador.
“Mas naiinggit po ako sa inyo, dahil kayo ay nakakapag-aaral. Ako po, ang lahat ng titulo ko, hindi ko madadala sa nitso at kapag ako ay namatay. Wala pong doktor, walang doctorate, walang profesor. Ako po, wala po,” diin pa ng mambabatas.
Pinangunahan ni Lapid ang pagpopondo sa P20 milyong halaga ng kalsada sa loob ng CLSU na malaking tulong sa mga estudyante at tauhan ng unibersidad.