LIBRENG CIVIL ENGINEERING LESSONS MAPAPANOOD SA FACEBOOK, YOUTUBE
HINDI dahilan ang suspensiyon ng iskedyul ng Engineering Licensure Examinations ng Professional Regulation Commission bunga ng pandemya para matigil sa pag-aaral at pagrerebyu ng mga batayang konsepto ng matematika at inhinyeriya.
Ito ang binigyang-diin ni Machan Buenafe, isang lisensiyadong civil engineer na nagtapos mula sa University of the East.
Sa kaniyang Facebook page at YouTube channel na ‘Civil Engineer Machan’ na ginawa ngayong panahon ng pandemya, mapapanood ang iba’t ibang talakay niya sa pinakamahihirap na konsepto ng inhinyeriya, gayundin ang tips kung paano siya nakakuha ng mataas na marka at nakapasa sa board exam.
Ilan sa mga bidyo ay tungkol sa Singly Reinforced Beam Ultimate Strength Design, Reinforced Concrete Design, Double Reinforced Beam, Theory of Structures, Steel Designs, at Strength of Materials.
Lahat ng episodes ay nasa wikang Filipino. Isa sa prinsipyong pinaniniwalaan ni Buenafe ay ang paggamit ng wikang naiintindihan ng lahat. Ayon sa kanya, mas nagiging komplikado ang pag-aaral ng matematika’t agham kung ito’y nasa wikang banyaga, kaya ang pagsusumikap niyang isalin sa wikang pambansa ang handog niyang libreng online review.
Bisitahin ang kaniyang Facebook page sa facebook.com/civilengrmachan at ang kaniyang Youtube channel sa youtube.com/c/civilengineermachan.