Nation

LIBRENG BAKUNA VS CERVICAL CANCER SA TEEN LEARNERS

/ 20 May 2022

INANUNSIYO ni Las Piñas City Mayor Imelda ‘Mel’ Aguilar na 500 estudyante sa lungsod ang pinagkalooban ng libreng bakuna laban sa cervical cancer nitong Miyerkoles, Mayo 18.

Sinabi ni Aguilar na mga estudyante ng Grade 7 sa Las Piñas National High School  na nasa edad 12 hanggang 13 ang tumanggap ng libreng Human Papilloma Virus vaccine upang maprotektahan ang mga ito laban sa cervical cancer.

Ayon kay Aguilar, namahagi rin  ang JCI Water Lilly, isang non-profit organization, ng food packs sa mga estudyante na lumahok sa kanilang programa na ginanap sa main campus ng nabanggit na eskwelahan mula alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.

Aniya, ang pagtuturok ng libreng bakuna laban sa cervical cancer ay isinagawa kaalinsabay ng selebrasyon ng Cervical Cancer Awareness Month.

Isinagawa ang programa sa pakikipag-ugnayan sa Department of Health, Las Piñas- Department of Education at City Health Office.

Dagdag pa ni Agular na tumulong din sa naturang programa ang mga school nurse sa CHO team.