Nation

LIBO-LIBONG GURO NANGANGANIB MAWALAN NG TRABAHO

/ 12 June 2021

NANGANGAMBA si ACT Teachers Partylist Rep. France Castro na sa susunod na buwan ay libo-libong guro ang mawalan ng trabaho kung hindi babawiin ng Department of Education ang memorandum nito hinggil sa status ng provisional teachers sa ilalim ng K to 12 program.

“Muli, ipinapahayag natin ang ating pagtutol sa DepEd memo na inisyu ng Department of Education na hanggang July 10 na lang ang ating mga provisional teachers under the K to 12 program,” pahayag ni Castro.

Nanawagan si Castro sa House Committee on Civil Service na magsagawa na ng pagdinig sa inihain nilang House Joint Resolution 39 upang suspendihin ang 5-year requirement para sa Licensure Examination for Teachers.

Sa kanyang House Joint Resolution 39, isinusulong ni Castro ang suspensiyon ng Section 8 ng Enhanced Basic Education Act of 2013 batay na rin sa Section 4 ng Bayanihan to Heal as One Act.

Alinsunod sa Section 8 ng Enhanced Basic Education Act of 2013, maaaring i-hire ng mga pampubliko o pribadong paaralan ang ilang guro kahit hindi pa pasado sa Licensure Examination for Teachers sa kondisyong maipapasa ng mga ito ang pagsusulit sa loob ng limang taon.

“Restless na ang ating mga teachers, may pumunta nga noong isang araw rito sa aking  opisina mula sa Batangas para lang saibihin na sila ay natatakot dahil sa July 10 ay mawawalan na sila ng trabaho,” sabi ni Castro.

“Idadagdag pa ba natin sa 4.4 million na walang trabaho ngayong quarter na ito?” tanong pa ng mambabatas.