Nation

LIANGA ‘MASSACRE’ PINABUBUSISI SA KAMARA

/ 22 June 2021

PINAIIMBESTIGAHAN ng Makabayan bloc sa House Committee on Human Rights ang pagpatay sa tatlong miyembro ng Lumad-Manobo tribe, kabilang ang isang 12-anyos na babae, sa Brgy. Diatagon, Lianga, Surigao del Sur.

Sa kanilang House Resolution 1903, nais nina Bayan Muna Partylist Representatives Eufemia Cullamat, Carlos Isagani Zarate at Ferdinand Gaite, Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas, ACT Teachers Partylist Rep. France Castro at Kabataan Partylist Rep. Sarah Jane Elago na maglabas din ng pagkondena ang Kamara sa insidente.

Iginiit ng mga kongresista na tungkulin ng Kongreso bilang kinatawan ng taumbayan na depensahan ang karapatan ng kanilang mga constituent.

Bukod dito, responsibilidad din ng Kongreso na bantayan ang anumang uri ng karahasan lalo na sa panahon ng krisis tulad ng Covid19 pandemic.

“It must bring prepetrators to account to put a stop to the killings and rights violations against its people. Law and rules should serve the interest of our people, and should not be weaponized to suppress their rights and opress them,” pahayag ng Makabayan bloc sa kanilang resolution.

Tinukoy pa ng mga kongresista sa kanilang resolution ang report ng Karapatan na ang panibaong insidente sa Lianga ay ika-25 massacre na sa ilalim ng kampanya ng administrasyon laban sa insurgency.

Sa tala ng grupo, umabot na sa 121 na indibidwal ang nasawi sa 25 insidente ng masaker.