Nation

LGUs HINIKAYAT NA ‘WAG MUNANG MANINGIL NG BUWIS SA PRIVATE SCHOOLS

/ 24 February 2021

INAPRUBAHAN ng House Committees on Basic Education and Culture at Higher and Technical Education ang resolusyon na humihikayat sa lahat ng lokal na pamahalaan na magpasa ng ordinansa para i-waive ang lahat ng regulatory fees na sinisingil sa mga private educational institution.

Saklaw ng House Resolution 11467 ang lahat ng pribadong educational institutions sa basic education, technical at vocational education at maging sa higher education.

Ang resolusyon ay isinulong ni House Committee on Basic Education and Culture Chairman Roman Romulo na agad namang pinaboran ng mga miyembro ng dalawang komite na dumalo sa virtual hearing nitong Martes.

Sinabi ni Romulo na sa panahon ng Covid19 pandemic, malaking tulong sa mga pribadong educational institution ang pag-waive ng fees para maipang-ayuda rin sa knailang mga empleyado.

Sa pamamagitan din nito ay matitiyak ang pagpapatuloy ng dekalidad na edukasyon para sa mga mag-aaral.

Ipinaliwanag sa resolusyon na bagama’t pinapayagan sa ilalim ng Local Government Code of 1991 ang mga lokal na pamahalaan na magpataw ng buwis at iba pang singilin, nakasaad din sa batas na maaari silang magpatupad ng tax exemptions, incentives o relief kung kinakailangan.

“Physical distancing and community quarantine being among the measures employed to contain the spread of the Covid19, various sectors, including the education sector, were greatly affected, thereby causing slowdown of business operations and unemployment,” dagdag ni Romulo.